Stags inilampaso ang Generals
MANILA, Philippines - Maagang nagtrabaho ang San Sebastian para makapaglatag ng malaking kalamangan tungo sa 107-73 paggapi sa kulang sa tao na Emilio Aguinaldo College sa 90th NCAA men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Tinipa nina Jovit dela Cruz at Jaymar Perez ang lahat ng 16 at 11 puntos sa laro sa first half para bigyan ng 30-puntos na kalamangan ang Stags sa Generals na naglaro gamit lamang ang limang players.
Sina Jerald Serrano, Jozhua General, Chris Mejos, Ai Indin at Faustine Pascual ang nagdala ng laban para sa Generals sa kanilang huling laro sa liga.
Tumapos ang EAC tangan ang 4-14 baraha at lima lamang ang nakapaglaro dahil walo pa ang sinisilbihan ang kanilang mga suspensyon na ipinataw matapos makipagrambulan laban sa Mapua Cardinals sa huling laro.
Walong manlalaro ng Cardinals ang sinuspindi rin bunga ng pangyayari kahit hindi nakabuo ng limang players ang koponan upang i-forfeit ang laro laban sa Letran Knights kahapon.
Ang tagumpay ng tropa ni coach Topex Robinson ay ikalawang sunod matapos ang 10-game losing streak para umangat sa 5-11 baraha na hindi sapat para makapasok sa Final Four.
- Latest