Hanggang pang-7 lang ang Gilas
INCHEON, Korea -- Maitatala ng Gilas Pilipinas ang pinakamasamang pagtatapos sa kasaysayan ng Asian Games men’s basketball competition.
Humataw si Liu Xiaoyu ng 16 puntos para pangunahan ang limang manlalaro na nasa doble-pigura at kunin ng batang koponan ng China ang 78-71 panalo laban sa Gilas Pilipinas sa consolation round kahapon sa Hwaseoung Sports Complex Gymnasium dito.
At dahil sa pagkatalong ito ay hanggang ika-pitong puwesto na lamang ang pinakamataas na makukuha ng koponang naunang pinaniwalaang palaban sa gintong medalya matapos pumangalawa sa 2013 FIBA Asia Men’s Championship.
Makakalaban ng Gilas Pilipinas bukas ang Mongolia na natalo naman sa Qatar, 78-87.
Ang dating pinakamasamang pagtatapos ng Pilipinas sa men’s basketball sa huling 16 edisyon ay pang-anim na puwesto na dalawang beses na naitala noong 1966 sa Bangkok, Thailand at noong 2010 sa Guangzhou, China.
Si Marcus Douthit ay humakot ng 24 points, habang si Ranidel de Ocampo ay may 14, kasama rito ang dalawang triples.
Sinabi naman ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan na pagtutuunan nila ng atensyon ang 2015 FIBA-Asia Championships na siyang qualifying tournament para sa 2016 Olympic Games.
“The Asian Games are now done,” sabi ni Pangilinan sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa Incheon Asiad. “Time to look ahead – plan for FIBA Asia next year in China; the winner qualifies for the 2016 Olympics.”
- Latest