Garcia hindi nawawalan ng pag-asa para sa ginto
INCHEON, Korea — Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa.
Ito ang sinabi ni Chief of Mission Ricardo Garcia kaugnay sa mailap na gintong medalya na hindi pa napapanalunan ng mga miyembro ng Team Philippines para sa 17th Asian Games dito.
Naniniwala si Garcia, ang chairman ng Philippine Sports Commission (PSC), na isang araw ay makakakuha ang mga Filipino athletes ng gintong medalya.
Ang boxing ang isa sa mga sport na sinasabi ni Garcia na malakas ang tsansang makasikwat ng gold medal dahil lima pang boksingero ang lumalaban sa kanilang mga weight divisions sa men’s category.
“Five of six isn’t a bad ratio,” wika ni Garcia sa mga boxers na palagiang pinagmumulan ng medalya ng bansa sa pagsali sa mga international multi-sports events.
Sa boxing nagmula ang silver medal ni Mansueto ‘Onyok’ Velasco sa Olympic Games noong 1996 sa Atlanta, USA.
Si Anthony Villanueva ang unang Filipino pug na nag-uwi ng silver medal ng bansa sa boxing sa Olympics noong 1964 sa Tokyo, Japan.
Ang kapatid ni Velasco na si Rhoel ay nakasuntok ng Olympic bronze medal noong 1992 sa Barcelona.
Sa 2014 Incheon Asiad ay taning si lighwelterweight Dennis Galvan ang nasibak nang matalo kay Chinzoriq Baatarsuk, 0-3, ng Mongolia noong Huwebes.
Umabante sina middleweight Wilfredo Lopez, light flyweight Mark Anthony Barriga, bantamweight Mario Fernandez, lightweight Charly Suarez at flyweight Ian Clark Bautista sa round of 16.
Sisimulan bukas nina lightweight Nesthy Petecio at flyweight Josie Gabuco ang kanilang kampanya.
- Latest