Fernandez, Suarez pasok sa quarters
INCHEON, South Korea — Patuloy na binibigyang pag-asa ng mga Pinoy boxers ang kampanya ng Pambansang koponan para sa medalyang ginto matapos umusad sa quarterfinal round sa boxing competition ng 17th Asian Games ditto.
Agresibong binuksan ni Mario Fernandez ang kampanya ng bansa nang bugbugin si Puran Raj ng Nepal at itakas ang unanimous decision win, 30-27, 30-27, 30-27, sa men’s bantamweight (56kg.) division.
Ang susunod na makakasagupa ni Fernandez ay si Shiva Thapa sa quarterfinals sa Setyembre 30.
“Talagang pinaghandaan ko ang laban na ito at pinag-aralan ko siya, at siyempre nag-ingat talaga ako dahil magaling din siya, pahayag ni Fernandez na unang sumabak sa Asian Games.
Tinalo naman ni Charly Suarez si Akhmil Kumar ng India, 2-1, para labanan si Ammar Jabbar Hasan ng Iraq sa quarterfinals.
Puntirya ng mga Pinoy pugs na mahigitan ang iniuwing gintong medalya ni Rey Saludar noong 2010 sa Guangzhou, China.
Sisimulan bukas nina women boxer Josie Gabuco at Nesthy Petecio ang kani-kanilang kampanya sa pagsikwat ng medalya.
Unang lalaban si Gabuco, ang 2013 world champion at Southeast Asian Games gold medalist, sa aksyon kontra kay Lyn Yu Ting ng Chinese-Taipei sa alas-2 ng hapon sa women’s flyweight (51kg.) category.
Susundan ito ni Petecio na makikipagbasagan ng mukha kay Gulzhaina Ubbiniyazova ng Kazkahstan sa women’s lightweight (60kg.) class.
- Latest