2 boxers nagtala ng panalo
INCHEON, South Korea -- Pinatunayan ni Mario Fernandez na dominado niya si Doncha Thathi nang taluning muli ang Thai sa pagsisimula ng boxing competition sa 17th Asian Games kahapon dito.
Mahusay na sinandalan ng SEA Games champion ang galing sa counter-punching sa kabuuan ng tatlong rounds patungo sa kanyang 3-0 panalo.
Si Thathi ay nakalaban na ni Fernandez sa Myammar SEA Games noong 2013 at nanalo siya sa 2-1 iskor.
“Hindi niya binitiwan ang pressure kaya convincing ang panalo,” wika ni men’s head coach Nolito “Boy” Velasco.
Ang panalo ay nag-akay kay Fernandez sa round-of-16 kalaban ang sinuman kina Puran Raj ng Nepal at Yahya Sharahili ng Saudi Arabia.
Dinuplikahan naman ni lightweight Charly Suarez ang naunang panalo ni Fernandez matapos gibain si Elnur Abdurimov ng Uzbekistan, 2-1, mula sa matutulis niyang suntok.
Si London Olympian Mark Anthony Barriga ay nakatakdang labanan ngayon si Hussin Al-Marin ng Syria sa light flyweight, habang makakasukatan ni Ian Clark Bautista si Maher Mohammad Shamon ng Jordan.
Makakaharap ni lightweight Dennis Galvan si Battarsukh Chinzorig ng Kazakhstan at makakatagpo ni middleweight Wilfredo Lopez si Azizbek Achilov ng Turkmenistan.
Sa Sabado ay mapapalaban sina world champion Josie Gabuco at Nesthy Petecio kontra kina Lin Yu Ting ng Chinese-Taipei at Gulzhaina Ubbinizayova ng Kazakhstan.
- Latest