Matapos yumukod sa limang sports na nilahukan inaalat ang mga Pinoy
INCHEON, South Korea – Walang pinalad na lumusot sa mga Pambansang atleta sa ikalawang araw ng Asian Games.
Nabigo sina judokas Gilbert Ramirez at Fil-Japanese Kiyomi Watanabe na bigyan ang bansa ng kauna-unahang medalya, habang ang mga men’s at women’s tennis teams at ang trap shooters ay luhaan sa kanilang mga laban.
Sa Dowon Gymnasium ginagawa ang judo competition at si Ramirez na nag-bye sa first round ay natalo kaagad kay Dastan Ykybayev ng Kazakhstan sa men’s -73kg.
Sa kabilang banda, si Watanabe na lumalaban sa women’s -63kg. ay nanalo kay Gulnar Hayytbayeva ng Turkmenistan sa first round pero sinibak ng Haponesang si Kana Abe ng Japan, 2-0 sa quarterfinals para malaglag sa repechage.
Subalit sa pagbabalik ni Watanabe ay nabigo siyang umusad nang naitapon sa labas ng mat ni Marian Urdabayeva ng Kazakhstan at tuluyan nang tumapos sa kanilang laban.
Hindi rin kinaya nina Treat Huey at Patrick John Tierro sina Wang Yeu Tzuoo, 6-4, 3-6, 0-6, at Lu Yen Hsun, 0-6, 0-6, sa singles matches para sa 1-2 pagkatalo sa Chinese- Taipei.
Sina Denise Dy at Katharina Lehnert ay nabigo sa mga Korean netters, 0-3, sa unang laro sa women’s division.
Gumanda ang putok ni Hagen Topacio sa huling dalawang rounds sa 23 at 24 pero ang kanyang kabuuang iskor matapos ang limang rounds na 112 ay sapat lamang sa pang-28 puwesto.
Si Eric Ang ay nalagay sa mas mababang ika-37 spot sa 108 puntos matapos ang 24 at 21 performance sa huling rounds.
Si London Olympian Jessie Khing Lacuna ay nagtala ng 1:53.20 tiyempo sa men’s 200m freestyle sa swimming para tumapos sa pang-15 puwesto sa kabuuang 25 na naglaban.
Sa rowing, ang mga panlaban sa double sculls na sina Roque Abala, Jr. at Alvin Amposta ay nalagay lamang sa ikaapat na puwesto sa 6:53.66 at bumagsak sa repechage.
May tsansa pa ang Pilipinas na makatikim na ng medalya sa pangatlong araw ng aksyon sa katauhan ng mga sanda artists na sina Jean Claude Saclag, Francisco Solis at Divine Wally sa pagharap nila sa quarterfinal round ng judo sa kanilang mga weight divisions.
- Latest