Gabuco, Barriga aasahan sa boxing
INCHEON, South Korea -- Itataya ng national boxing team ang kanilang magandang estado kung paglahok sa Asian Games ang pag-uusapan.
Sa Miyerkules ang pagbubukas ng aksyon sa boxing sa Seonhak Gymnasium at ang Pilipinas ay magpaparada ng solidong line-up na pangungunahan ng isang world champion at isang London Olympics veteran.
Si Josie Gabuco ang kinikilalang world champion at No. 1 ranked lady boxer sa 45-48 kilograms, habang si Mark Anthony Barriga ang natatanging boksingero ng Pilipinas na nag-qualify sa London Games noong 2012.
Ang iba pang miyembro ng koponan ay sina Charly Suarez, Dennis Galvan, Ian Clark Bautista at Eumir Marcial sa men’s team at si Nesthy Petecio sa women’s class.
Hindi pa nabibigo ang mga pambato sa paghahatid ng medalya sa Asian Games sapul noong 1950 kung saan kabuuang 15 ginto, 7 pilak at 20 tansong medalya ang nasikwat ng boxing team sa quadrennial meet upang maging pinakaproduktibong sport ng bansa sa Asian Games.
Noong 2010, ang boxing ang isa sa tatlong sports na naghatid ng ginto sa katauhan ni Rey Saludar.
Pero dinapuan ng shoulder injury si Saludar at hindi nakasali sa taong ito ngunit ang ibang ipinadala ng ABAP ay may kapasidad para makapagbigay ng gintong medalya sa hanay ng 150-atletang delegasyon. (Beth Repizo-Meraña)
- Latest