Colonia palaban sa gold medal sa weightlifting event ng Asiad: Hahataw na ang mga Pinoy!
INCHEON, Korea -- May pagkakataon ang weightlifter na si Nestor Colonia na bigyan ng impresibong panimula ang kampanya ng Pilipinas sa Asian Games sa pagpuntirya ng medalya sa men’s 56-kilogram class na gagawin sa Moonlight Festival Garden dito.
Sa ganap na alas-7 ng gabi (6 p.m. sa Manila) magsisimula ang aksyon at malakas ang tsansa ni Colonia na pumasok sa medal race dahil sa magandang ipinakita sa paghahanda sa ilalim ng coach at tiyuhin na si Gregorio Colonia.
“Ang personal best na niya ay nasa 280 kgs, at kayang magmedal ito kung mauulit niya sa kompetisyon,” wika ng nakatatandang Colonia.
Ito ang ikalawang Asian Games ni Colonia at tumapos siya sa ikaanim na puwesto sa 2010 Guangzhou, China sa buhat na 255 kgs.
Ang gold medalist noon ay si Wu Jingbao ng China na nakabuhat ng 285 kgs.
Si Wu na nanalo ng pilak sa 2012 London Olympics sa mas mataas na 289 kgs. ay magbabalik at ang inaasahang mabigat niyang kalaban ay ang Olympic gold medalist na si Yunchol Om ng North Korea na gumawa ng 293 kgs.
May iba pang Filipino athletes ang mauunang sumalang sa aksyon ito ay sina trap shooters Eric Ang at Hagen Alexander Topacio ang siyang magpapasimula sa laban ng bansa sa qualification round sa ganap na alas-9:30 ng umaga sa Gyeonggido range.
Sasabak na rin sa paluan ang mga Pinoy netters na sina Dennis Dy at Katharina Melissa Lehnert sa kababaihan at Fil-Ams Ruben Gonzales Jr. at Treat Huey bukod kay Patrick John Tierro.
Sina Benjamin Tolentino (lightweight single sculls) at ang tambalang Nestor Cordova at Edgar Ilas (lightweight double sculls) ang kakampanya sa rowing sa Chungliu Tanguem Lake habang ang mga sanda na sina Jean Claude Saclag (men’s 60-kg), Francisco Solis (men’s 56-kg) at Divine Wally (women’s 60-kg) ang lalaban sa preliminary round.
Ang ikaapat na sanda artist na si Evita Elise Zamora ay hindi na nakasali sa women’s 60-kg matapos ang knee injury.
Si Chief of Mission at PSC chairman Ricardo Garcia ang mangunguna sa pagsuporta sa mga atleta.
- Latest