San Beda papasukin na ang semis vs Lyceum
MANILA, Philippines – Pagbabalakan ngayon ng four-time defending champion San Beda Red Lions ang ikasiyam na sunod na pagtapak sa Final Four sa paggapi sa Lyceum Pirates sa 90th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Ika-13 panalo sa 15 laro ang makukuha ng Lions kung manalo sa Pirates sa unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon.
Ang Arellano Chiefs at Emilio Aguinaldo College Generals ang magsusukatan sa tampok na laro dakong alas-4 at kakapit pa ang una sa ikalawang puwesto kung mangibabaw sa tagisan.
Naka-playoff na ang tropa ni coach Boyet Fernandez pero asahan na hahataw pa ang koponan para tumibay ang paghahabol sa kanilang ikalimang sunod na titulo.
“Goal namin ay makapasok sa Final Four at ngayon na puwede itong mangyari ay gagawin namin ang lahat para maabot na ito,” wika ni Fernandez na galing sa mabangis na 73-44 pagdurog sa Letran Knights.
Asahan naman na gagawin ng Pirates ang lahat ng makakaya para maibangon din ang puri sa tinamong 68-84 pagkatalo sa Lions.
Kapantay ng tropa ni coach Bonnie Tan ang Knights sa 6-8 baraha at kailangan nilang maipanalo ang nalalabing apat na laro para makahirit ng playoff para sa Final Four.
Pakay din ng Chiefs na maulit ang 80-73 panalo sa Generals para kumapit pa sa ikalawang puwesto. (AT)
- Latest