St. Clare itinakda ang title showdown vs CEU
MANILA, Philippines – Gumamit ang Saint Clare College of Caloocan ng 20-0 bomba sa ikaapat na yugto para kunin ang 76-46 panalo sa Rizal Technological University at umabante sa NAASCU Finals noong Linggo sa Makati Coliseum.
Bago rumagasa ang Saints ay nanakot pa ang Blue Thunder sa pagdikit sa apat na puntos, 46-42, sa pagtatapos ng ikatlong yugto.
Sina Marte Gil at Jayson Ibay ay may tig-10 puntos para sa host team na kinuha ang karapatan na labanan uli ang nagdedepensang kampeon Centro Escolar University Scorpions.
Umabante agad sa best-of-three finals ang Scorpions matapos walisin ang 12 laro sa elimination round.
Nauwi sa step-ladder format ang semifinals at unang tinalo ng RTU ang Our Lady of Fatima University Phoenix, 71-67, para itulak ang tinalong koponan sa pang-apat na puwesto.
Ang Game One ay lalaruin sa Biyernes (Setyembre 19) sa Makati Coliseum.
- Latest