Pagsusumite ng Gilas line-up sa Asiad ‘di mamadaliin ni Reyes
MANILA, Philippines – Sinabi ni Philippine National basketball team coach Chot Reyes na hindi siya nagmamadali sa pagsusumite ng Gilas’ final 12-man lineup sa Asian Games Organizing Committee.
Ito ay dahil ang deadline ay nakatakda isa o dalawang araw bago ang kompetisyon.
Nagdaos si Reyes ng unang team practice ng Gilas noong Sabado matapos dumating mula sa kanilang kampanya sa FIBA World Cup sa Spain.
Hindi dumating si Paul Lee ngunit sumipot naman kinabukasan.
Nabigo namang makasama si Japeth Aguilar noong Linggo subalit nag-ensayo noong Lunes.
Si Jayson Castro ay dumating at nakatakdang sumailalim sa isang MRI para sa kanyang tuhod.
“We can’t go full-court because guys are still recovering from Spain,” sabi ni Reyes.
Magtutungo ang Gilas sa Asian Games sa Setyembre 20 at lalabanan ang lider sa Group B qualifying round sa 5,158-seat Hwaseong Sports Complex sa Incheon sa Setyembre 23.
Ang Group B ay kinabibilangan ng Saudi Arabia, Kazakhstan, Palestine at India. Inaasahang makakatapat ng Gilas sa unang laro ay ang Kazakhstan.
Muling sasabak sa aksyon ang Gilas sa Setyembre 25 laban sa Iran.
Ang top two finishers sa hanay ng Pilipinas, Iran at Group B leader ang aabante sa quarterfinal round kasama ang top two placers ng tatlo pang brackets.
Ang eight quarterfinalists ay hahatiin sa dalawang grupo na may tig-apat na koponan at ang top two finishers ng bawat bracket ay papasok sa knockout semifinals.
Maglalaro ang mga semifinal winners para sa gold medal sa Oktubre 3 sa 7,406-seat Samsan World Gym.
Kung makakapasok ang Gilas sa quarterfinals ay maglalaro sila sa Setyembre 26, 27 at 28.
Ang semifinals ay idaraos sa Oktubre 1.
Kumpara sa FIBA tournaments, pinapayagan sa Asian Games ang pagpapalit ng player.
- Latest