Bibiano dalawang titulo ang kinuha sa Visayas Leg ng National Badminton
MANILA, Philippines – Inangkin ni April Dianne Bibiano ang dalawang titulo sa 1st Sun Cellular-Ming Ramos National Juniors Badminton Tournament Visayas leg na idinaos sa Raquet Zone Badminton Center, Montebello Villa Hotel Compound Apas sa Cebu City.
Tinalo ni Bibiano ng University of St. La Salle ang kaeskuwelang si Aizyl Joy Anuales sa championship round, 21-10, 21-9, para angkinin ang girls’ 19-under singles title sa torneong pinalakas ng Forthright Events.
Nakamit ni Bibiano ang kanyang ikalawang korona nang makipagtambal kay Dhessa Mae Arino sa girls doubles 19-under at binigo sina Elca Marie Gidaya at Cana Isabelle Solon ng Siliman University sa finals, 21-3, 21-4.
Ang three-day Visayas leg tournament ay suportado ng Sun Cellular, SMART Communications, Manny V. Pangilinan (MVP) Sports Foundation, Philippine Badminton Association Smash Pilipinas at Babolat.
Iginupo ni Emilio Mangubat Jr. ng Whackers Badminton Club si Dexter Opalla ng UCBC sa finals, 21-14, 21-11, para kunin ang boys’ 19-under singles crown at isinunod ang boys’ 17-under singles title mula sa pagresbak kay Ryan Doromal ng Southwestern University sa finals, 21-11, 21-7.
Giniba naman ni Android Rose Tiongson ng Southwestern University si Tricia Opon sa finals, 11-21, 21-14, 21-13, para sa girls’ 17-under singles.
- Latest