NCAA ACCEL Player of the Week si Mabulac
MANILA, Philippines – Nagising na ang higante ng host Jose Rizal University Heavy Bombers para tumindi ang kanilang laban sa unang dalawang puwesto sa 90th NCAA men’s basketball.
Ang 6-foot-4 na si Michael Mabulac ay naghatid ng mga solidong numero sa huling dalawang laro na kanilang naipanalo para makasalo ng JRU ang Arellano Chiefs sa pangalawang puwesto bitbit ang magkatulad na 9-4 karta.
Dahil sa pagpapasikat, si Mabulac ang ginawaran ng NCAA Press Corps bilang ACCEL Quantum-3XVI Player of the Week katuwang ang Bactigel hand sanitizer, Doctor J Mighty Alcohol at Mighty Mom Dishwashing.
Tumipak ang starting center ng Heavy Bombers ng 13 points at 10 rebounds sa 67-43 panalo laban sa Lyceum Pirates.
Kontra sa Perpetual Help Altas ay itinaas pa ni Mabulac ang naipakita sa kinamadang 21 markers bukod sa 8 rebounds tungo sa 80-76 overtime win na nagbigay-daan para umangat na ang koponan sa pakikisalo sa ikalawang puwesto.
“Medyo hindi naging maganda ang first round niya pero bumabalik na ang kanyang dating laro para matulungan niya kami sa second round,” wika ni JRU head coach Vergel Meneses.
- Latest