Azkals haharapin ang Myanmar sa titulo
MANILA, Philippines - Walang nakitang aberya si US-German coach Thomas Dooley sa ipinakitang laro ng Azkals sa Chinese Taipei na kanilang hiniya, 5-1, sa Philippine Peace Cup noong Miyerkules ng gabi sa Rizal Memorial Football Pitch.
“I’m happy with the results,” agad na naibulalas ni Dooley na nakuha ang unang panalo sa international event na ginawa sa Pilipinas.
Si Mark Hartmann ay naghatid ng dalawang goals sa second half (74th at 88th minute) para tumbasan ang tig-isang goals nina Rob Gier at James Younghusband sa first half.
Ang ikalimang goal ng home team ay mula sa own goal ni Chen Yi-wei sa 65th minute.
Si Yen Ho-sen ang siyang bumutas sa goal para sa Chinese Taipei na nangyari sa 80th minute.
Bunga ng panalo, ang Pilipinas ay umabante sa championship sa Sabado at makakalaban ang Myanmar na hiniya ang Palestine, 4-1, sa naunang laro.
Pakay ng Azkals na mapanatili sa ikatlong taon ang kampeonato sa Peace Cup na inorganisa ng Philippine Football Federation.
Nakikita ni Dooley na kaya ng Azkals na manalo pa sa Myanmar lalo pa’t maganda ang ipinakita nina Kenshiro Daniels at Younghusband sa bagong spots sa field.
- Latest