St. Benilde aasinta ng panalo vs Baste
MANILA, Philippines – Matapos matisod sa huling laro, susubok uli ang St. Benilde Blazers na bumangon sa pagharap sa namemeligro ng San Sebastian Stags sa 90th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Nawala sa porma ang Blazers nang makasagupa ang four-time defending champion San Beda Red Lions, 54-78, para bumaba ang koponan mula sa pakikisalo sa ikatlong puwesto tungo sa ikalimang puwesto sa 7-5 karta.
Nagwagi ang Perpetual Help Altas at host Jose Rizal University Heavy Bombers noong Lunes para manatiiling okupado ang pangatlong puwesto sa 8-4 karta kaya’t kailangang manalo ang Blazers sa ganap na alas-2 ng hapon na tunggalian para hindi makalayo ang dalawang hinahabol na koponan.
Ang tampok na laro dakong alas-4 ay sa hanay ng Letran Knights at Emilio Aguinaldo College Generals na mga koponang nasa huling hati sa teamstandings.
Napapabor ang Knights na maipaghiganti ang 72-81 pagkatalo sa unang pagtutuos dahil hindi pa tiyak kung handa nang maglaro si Noube Happi na may iniindang back injury.
Nasa pangalawa sa huling puwesto ang Stags sa 3-9 karta at may katiting pang tsansa na umusad sa semis pero dapat na walisin nila ang natitirang anim na laro at umasang ang ibang koponan maliban sa San Beda, ay hindi lumagpas ng siyam na panalo.
Mas madaling sabihin na mananalo ang Stags kaysa sa gawin ito dahil wala ang dating tikas ng koponan dahilan upang matalo sila sa huling walong laro.
Ang liwanag na puwedeng gamitin ni coach Topex Robinson ay ang kinuhang 74-72 panalo sa Blazers na nangyari noon pang Hulyo 11.
Tiyak na gagawin ng Blazers ang lahat ng makakaya para mabalikan ang Baste.
- Latest