Gilas kumpiyansa kontra Argentina matapos ang OT loss sa Croatia
SEVILLE, Spain – Para sa mga Filipino basketball fans, ang laban ng Gilas Pilipinas kontra sa world No. 3 Argentina ang pinakapana-panabik na laro.
Mismong ang mga Gilas players ang humahanga sa Team Argentina, isang one-time world championship winner at one-time Olympics champ.
Ang kanilang paghanga ay doon natatapos.
Determinado ang mga Filipino na mapatunayang karapat-dapat silang maglaro sa FIBA World Cup sa pagsagupa sa mga Argentines sa kanilang ikatlong laro sa Group B sa Centro Deportivo San Pablo (alas-11:30 ng gabi).
Ang kanilang ipinakita laban sa Croatia noong Sabado ay isang mensahe na nararapat sila sa world meet.
Naungusan ng Croatians sa overtime, mas relaks ngayon ang Nationals. “We’ll be better,” sabi ni Gilas veteran playmaker Jimmy Alapag.
“One thing about it (the close loss to Croatia) is that we are confident now. We now know that we belong and we can keep our heads up,” wika naman ni naturalized player Andray Blatche.
Mas bibigyan ngayon ng kanilang mga kalaban ng halaga ang Gilas Pilipinas.
“Coming in here, a lot of people doubted us and saw us as an easy match,” ani Blatche.
Sinabi ni Dominican Republic assistant coach Bill Bayno, dating coach ng Talk ‘N Text sa PBA, na may tsansang manalo ang Gilas sa Argentina.
Naniniwala rin si Bayno na kayang gibain ng Gilas ang Senegal.
Napanood na ni Bayno ang laro ng Gilas Pilipinas sa kanilang tune-up match sa Guadalajara.
Isa ring assistant coach ng Toronto Raptors sa NBA, pamilyar si Bayno sa Pilipinas at Argentina at sa FIBA American team na Dominican Republic.
Sinabi ni Bayno na hindi masyadong malakas ang Argentina, ang 2004 Olympic champion, kumpara nong nakaraang mga taon.
Noong 2013 FIBA Americas sa Caracas, Venezuela, tinalo ng Dominicans ang Argentines, 91-72, sa kanilang second-round meeting bago nakaresbak sa kanilang 103-93 panalo para sa bronze medal.
Inamin din ng Argentine team na hirap sila dahil sa pagkawala nina top guns Manu Ginobili at Carlos Delfino.
Sa 98-75 panalo ng Argentina sa Puerto Rico ay nagtala si Luis Scola ng 20 points at 9 rebounds, at may 11 at 10 sina Andres Nocioni at Prigioni, ayon sa pagkakasunod.
Habang sinusulat ang balitang ito, haharapin ng Gilas Pilipinas sa Greece (ngayong alas-2 ng madaling araw Manila time).
Ibabandera ng Greece sina NBA players Nick Calathes (Memphis), Kostas Papanikolaou (Houston) at Giannis Antetokoumpo (Milwuakee).
- Latest