Orcollo-Corteza tandem pahihirapan ng US team
MANILA, Philippines - Hindi magiging madali ang puntiryang makasaysayang ikaapat na World Cup of Pool title nina Dennis Orcollo at Lee Van Corteza dahil may mga bigating manlalaro ang naghayag ng kahandaan na agawin ang kampeonato.
Sa Setyembre 23 hanggang 28 gagawin ang tagisan sa Mountbatten Centre sa Portsmouth, United Kingdom at isa na sa pagpahayag ng kahandaan na manalo ay ang US team na binubuo nina Earl Strickland at Shane Van Boening.
Sa unang edisyon noong 2006 naitala ng US ang pinakamataas na pagtatapos sa torneo nang pumangalawa sina Strickland at Rodney Morris kina Filipino cue artists Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante.
Si Strickland ay magbabalik sa koponan at makakatambal niya sa pagkakataong ito si Van Boening.
“My last appearance was in 2006 when I teamed up with Rodney Morris and we reached the finals of the inaugural World Cup. This time with myself and Van Boening, we look forward to winning the Cup for USA,” pahayag ni Strickland sa Azbilliards.
Palaban din ang dalawang teams mula sa host England na binubuo nina Darren Appleton-Karl Boyes (A) at Daryl Peach-Chris Melling (B).
Kasali rin sina Niels Feijen at Nick van den Berg ng Holland at ang dalawa ay magbabalak na bumangon matapos matalo kina Orcollo at Corteza sa finals.
May 32 teams ang kasali at paglalabanan nila ang kabuuang $250,000.00 pot. (ATan)
- Latest