China kampeon sa FIBA Asia U18 Kobe tinulungan ang Pinas sa 5th place
MANILA, Philippines - Nailabas ni Kobe Paras ang pinakamagandang laro para tulungan ang Pilipinas na angkinin ang 113-105 overtime panalo sa Japan para okupahan ang ikalimang puwesto sa pagtatapos ng FIBA Asia Under-18 Championship noong Huwebes sa Al-Gharafa sa Doha, Qatar.
Tumapos si Paras bitbit ang 27 puntos at may 10 rebounds at ang kanyang defensive rebound sa hu-ling walong segundo ang nagresulta sa krusyal na 3-pointer ni Ranbill Tongco sa kabilang dulo ng court para magtabla ang dalawang koponan sa regulation, 93-all.
Hindi na binitiwan pa ng Pambansang koponan ang momentum at si Paras ay may anim na puntos pa habang sina Jollo Go, Dave Yu at Tongco ay naghatid pa ng tig-isang tres para iwanan na ang Japan.
May tatlong blocks pa ang off-the-bench na si Paras habang may 24 puntos, kasama ang limang 3-pointers ang starter na si Go habang sina Mark Anthony Dyke, Paul Desiderio at Tongco ay tumapos bitbit ang 18, 17 at 14 puntos.
Ang ikalimang puwes-tong pagtatapos ay mas mataas kumpara sa pang-anim na kinalugaran ng koponang naglaro noong 2012 sa Ulan Bator, Mongolia.
Masakit na pagkatalo ito para sa Japan dahil lamang sila ng lima, 93-88, sa huling 11 segundo sa huling yugto.
Si Akito Uchida ang nanguna sa lahat sa pagpuntos sa kinamadang 36 puntos pero siya rin ang nagpatalo sa kanyang koponan nang naisablay ang dalawang free throws sa huling walong segundo na nagbigay sana ng apat na puntos na kalamangan.
Nagtagumpay ang two-time defending champion China na mapalawig ang pangunguna sa kompetisyon nang hiyain ang Iran, 66-48.
Ito na rin ang ika-11 titulo ng China sa kompetisyon at hindi sila natalo sa siyam na laro.
Ang South Korea ang kumuha sa ikatlong puwesto sa 70-58 pangingibabaw sa Chinese Taipei. (AT)
- Latest