Laban Gilas! Aasinta ng panalo vs Croatia
MANILA, Philippines - Eksaktong 36 taon na ang nakararaan matapos maglaro ang mga Pinoy sa world stage, at ibabalik ng Gilas Pilipinas ang nasabing eksperyensa sa pagsagupa sa Croatia sa pagsisimula ngayon ng 2014 FIBA World Cup sa Spain.
Ang United States ang No. 1 pick dahil sa kanilang mga NBA stars, habang ang Spain ang inaasahang maglalaro sa finals mula sa matibay nilang lineup bukod pa sa kanilang home court advantage.
Ang Argentina, Lithuania at Greece ang mga dark horses bunga ng maganda nilang inilaro sa mga international meets.
Ang Pilipinas ay nasa Group B kasama ang Croatia, Greece, Argentina, Puerto Rico at Senegal.
Kung makakakuha ng dalawang panalo ang Gilas ni coach Chot Reyes ay makakapasok sila sa 16-team knockout stage ng quadrennial event na nagtatampok sa pinakamahuhusay na national teams mula sa limang FIBA continental zones--American, Europe, Africa, Oceania at Asia.
Sa kanilang huling paglalaro sa World Cup noong 1978 sa Maynila, ang Team Phl ay naging seeded sa semifinal round ngunit nabigong manalo laban sa nagkampeong Yugoslavia, runner-up Soviet Union, third-placer Brazil, Italy, US, Canada at Australia.
Ang huling panalo ng bansa sa world meet ay nang talunin ang Central African Republic noong Hulyo 12, 1974 sa Puerto Rico mula sa kanilang 87-86 panalo sa likod ng 22-point explosion ni Bogs Adornado.
Matapos ito ay tumapos ang Nationals sa ika-13 sa kanilang 2-5 win.
Umiskor si Adornado ng 20 points sa 101-100 paglusot ng koponan laban sa mga Aussies para sa kanilang ikalawang panalo sa torneo.
Sa 2014 FIBA World Cup sa Seville ay susunod na lalabanan ng Gilas ang Greece bukas, ang Argentina sa Lunes, ang Puerto Rico sa Miyekules at ang Senegal sa Huwebes. Ang Greece at Argentina ang mga tumalo sa US team sa nakaraang world championship.
- Latest