MVP sa Gilas Pilipinas: ‘Itodo n’yo na para sa gold’
MANILA, Philippines - Matapos ang kampanya sa 2014 FIBA World Cup ay maglalaro naman ang Gilas Pilipinas sa Asian Games sa Incheon, Korea na nakatakda sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Mula sa second-place finish sa 2013 FIBA Asia Championship sa Manila, sinabi ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan na gusto niyang makuha ng koponan ang Asiad gold medal bagama’t alam niyang hindi ito madali.
Sa katunayan, nahaharap na ang Gilas sa isang laban bago sumabak sa Incheon.
Gustong resbakan ang Gilas Pilipinas at muling maaangkin ang Asiad gold na kanilang nakamit sa Busan noong 2002, binubusisi ng South Korea ang mga papeles nina naturalized player Andray Blatche at Fil-Am players Gabe Norwood at Jared Dillinger.
Ang Gilas lineup para sa Asiad ay sina Blatche, Norwood, Dillinger, June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Ranidel de Ocampo, Marc Pingris, Gary David, Jeff Chan, Paul Lee, Jayson Castro at LA Tenorio.
Habang determinado ang Korea na makuha ang gold medal, hangad ng Iran ang kanilang kauna-unahang ginto at ang China naman ang patuloy na magiging sukatan sa rehiyon.
Nariyan din ang Japan, Qatar, Jordan at Chinese Taipei na seeded na sa main draw kasama ang China, South Korea, Iran at Pilipinas dahil sa pagiging Top Eight sa nakaraang Asian Games sa Guangzhou, China noong 2010.
Ang Mongolia, Saudi Arabia, Kazakhstan, Hong Kong, Kuwait, Palestine, India at Maldives ang maglalaro sa qualifying round at ang apat sa kanila ang aabante sa main draw.
- Latest