Manny mapapalaban kontra kina Mayweather at Marquez sa susunod na taon
MANILA, Philippines - Sakaling manalo kay American challenger Chris Algieri ay may posibilidad na labanan ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao ang sinuman kina Floyd Mayweather, Jr. at Juan Manuel Marquez.
Ito ang sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions sa ikalawang press tour nina Pacquiao at Algieri sa Hyatt Regency Century Plaza Hotel sa Shanghai, China.
Ayon kay Arum, payag ang pay-per-view networks na HBO at Showtime na plantsahin ang kanilang gusot para maitakda ang Pacquiao-Mayweather super fight sa 2015.
May kontrata si Pacquiao sa HBO, habang nasa bakuran ng Showtime si Mayweather.
Handa naman si Pacquiao (56-5-2, 38 knockouts) na labanan si Mayweather (46-0-0, 26 KOs) bagama’t tatlong beses umatras ang American five-division titlist.
“The possibility to fight with him, you know, the question is not for us,” ani Pacquiao. “It’s for them because any time we are willing to fight, any time. I think that question belongs to them, their camp.”
Itataya ni Pacquiao ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay Algieri (20-0-0, 8 KOs) sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Sasagupain naman ni Mayweather si Marcos Maidana sa isang rematch sa Setyembre 13 sa Las Vegas, Nevada.
Samantala, tungkol kay Marquez, sinabi ni Arum na kasama pa rin sa listahan ni Pacquiao ang Mexican legend.
“Hopefully we can put Marquez in with Pacquiao next year,” ani Arum kay Marquez na nagpatulog sa Sarangani Congressman sa sixth round sa kanilang pang-apat na paghaharap noong Disyembre 8, 2012.
Nauna nang tumanggi si Marquez na muling labanan si Pacquiao.
- Latest