Cagayan, Army seselyuhan ang finals
Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
2 p.m. – PLDT vs Cagayan Valley
4 p.m. – Army vs Air Force
MANILA, Philippines - Itakda ang pagkikita sa championship sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference ang pagsisikapan ngayon ng Cagayan Valley Lady Rising Suns at Army Lady Troopers sa pagpapatuloy ng semifinals ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Parehong galing ang Lady Rising Suns at Lady Troopers sa 3-1 panalo laban sa PLDT Home Telpad Turbo Boosters at Air Force Air Spikers sa unang laro kaya’t ang momentum na hawak ay hindi na nila pakakawalan.
Unang magtutuos ang Cagayan at PLDT at ang makukuhang panalo ng una ay magtutulak para magkaroon pa ng pagkakataon ang tropa ni coach Nestor Pamilar na maidepensa ang titulong pinanalunan noong nakaraang taon.
Matatandaan na winalis ng Cagayan ang 16 laro para maging kauna-unahang koponan na nakagawa ng ganito sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa ayuda ng Accel at Mikasa.
Asahan na magiging handa ang PLDT sa ipakikitang hamon ng nagdedepensang kampeon upang maihirit ang do-or-die game sa Martes.
Pumangalawa ang Turbo Boosters sa pagtatapos ng quarterfinals at ang pinaghirapan ay tiyak na hindi basta-basta itatapon ng ganon na lamang.
Paborito ang Army sa Air Force dahil sa mas malalim na puwersa pero ang determinasyon na maging kampeon sa liga ang magtutulak sa Air Spikers para ilabas ang lahat ng nakatago sa krusyal na larong ito.
Sina Jovelyn Gonzaga, MJ Balse, Nerissa Bautista at Tina Salak ang mga magtutulong uli para sa Army na inaasahang huhugot din ng mas magandang numero mula kay Rachel Ann Daquis.
Ang spiker na si Daquis ay may apat na hits lang at naglaro lamang sa unang dalawang sets.
Sina Judy Caballejo, Maika Ortiz at May Ann Pantino ang mga kakamada para sa Air Force pero dapat na gumana rin sina Joy Cases, Jociemer Tapic at Liza Deramos para mas gumanda ang tsansang manalo.
- Latest