San Mig players humakot ng parangal
MANILA, Philippines - Pararangalan ang tatlong players mula sa Grand Slam champion San Mig Super Coffee ng PBA Press Corps sa kanilang 2014 Annual Awards Night sa Aug. 21 sa Richmond Hotel sa Eastwood City, Libis, Quezon City.
Sa ikatlong pagkakataon ng kanyang career, napili si forward Marc Pingris bilang Defensive Player of the Year na huling ibinigay sa kanya noong 2006 ng grupong binubuo ng mga sportswiters na regular na kumukober ng PBA.
Sa kanyang tatlong Defensive Player of the Year trophies, katabla na ngayon ni Pingris ang da-ting defensive player ng Shell na si Chris Jackson, na ginawaran ng naturang award noong 1998, 1999 at 2001.
Si Pingris ay nag-ave-rage ng 9.75 points at 7.44 rebounds noong nakaraang season. Ang kanyang San Mig teammates na sina Peter June Simon at Mark Barroca ay paparangalan din ng Mr. Quality Minutes at Order of Merit awards, ayon sa pagkakasunod.
Ang off-the-bench pla-yer na si Simon ay naging malaking tulong kay coach Tim Cone sa kanyang ave-rage na 13.52 points, 3.39 assists at 1.64 assists sa nagdaang season kung saan na-sweep ng Mixers ang tatlong conference.
Awtomatikong mapupunta kay Barroca ang Order of Merit Award dahil ilang beses siyang naging Accel-PBA Press Corps Player of the Week winner. Nag-average siya ng 10.72 points, 3.83 rebounds at 2.68 assists.
Kikilalanin din sa gabi ng parangal na suportado ng PBA, Alaska, Barangay Ginebra San Miguel, Barako Bull, Blackwater Sports, Globalport, Kia Motors, Meralco, NLEX, Rain or Shine, San Mig Super Coffee, San Miguel Beer at Talk ‘N Text sina Asi Taulava ng Express at Jayson Castro ng Texters.
Si Taulava ang tatanggap ng Bogs Adornado Comeback Player of the Year award, habang si Castro ang kikilalanin bilang Scoring Champion.
Sa edad na 41, ipinakita ni Taulava, na kaya pa rin niyang maging dominante sa kanyang average na 14.75 points at 12.38 rebounds. Nag-average naman si Castro ng league-best na 16.78 points sa nakaraang season.
Paparangalan din ng PBAPC ang All-Rookie Team na binubuo nina Greg Slaughter, Ian Sangalang at Justin Melton ng San Mig, Raymond Almazan ng Rain or Shine at Terrence Romeo ng Globalport.
- Latest