Cagayan giniba ang Air Force, pasok sa semis Air Spikers vs Lady Eagles sa playoff
MANILA, Philippines - Inilabas ng nagdedepensang kampeon Cagayan Valley Lady Rising Suns ang pinakamabangis na laro sa quarterfinals para kalusin ang Air Force Air Spikers, 28-26, 25-20, 25-20, at kunin ang ikatlong puwesto sa semifinals sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Naibalik ni Janine Marciano ang dating laro nang kumulekta siya ng 17 hits habang si Aiza Maizo ay naghatid ng 13.
Nanggulat si Joy Benito sa ibinigay na siyam na puntos habang sina Marciano na may 15 kills, at Shiela Pineda ay nagtala ng tig-siyam na digs.
Ang panalo ay tumapos sa apat na sunod na pagkatalo ng Lady Rising Suns para magkaroon ng three-way tie sa ikatlo hanggang ikalimang puwesto sa pagitan ng nanalong koponan, Air Force at pahingang Ateneo Lady Eagles.
Pero may pinakamagandang 1.056 quotient ang Cagayan na noong nakaraang taon ay nagtala ng 16-0 sweep, para kunin ang puwesto sa Final Four at itulak ang Ateneo (1.00) at Air Force (.857) sa sudden death para sa huling tiket sa susunod na round sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa ayuda ng Accel at Mikasa.
Tig-15 puntos ang ginawa nina Maika Ortiz at Judy Caballejo para sa Air Force na dinomina ang blocks, 8-3, pero may 21 errors.
Nangibabaw ang Army Lady Troopers sa PLDT Home Telpad Turbo Boos-ters, 15-25, 25-17, 26-26, 25-15, sa labanan ng mga nangungunang koponan sa pangalawang laro.
Sina Mary Jean Balse, Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga at Nerissa Bautista ay nagsanib sa 46 hits para tapusin ang round bitbit ang 9-3 baraha.
Makakalaban nila ang mananalo sa Ateneo at Air Force habang ang PLDT na may 8-4 karta ang makakatuos ng Cagayan sa semifinals na inilagay sa best-of-three series. (AT)
- Latest