East tinakasan ang West
MANILA, Philippines - Tinalo ng East All Stars ang West All Stars, 104-97, sa kauna-unahang NCAA All-Star game kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sa huling yugto lamang nagkaiwanan sa laro matapos ihatid ni John Pinto ng Arellano Chiefs ang lahat ng 10 puntos para pagningasin ang 20-9 palitan at ang limang puntos agwat ay lumobo sa 96-80.
Nanguna sa nanalong koponan na hawak ni San Beda coach Boyet Fernandez si Lions Arthur dela Cruz sa kanyang 12 puntos habang si Juneric Baloria ng Perpetual Help ay may 11 puntos.
Si Jeson Cantos ng Mapua Cardinals ang nanguna sa West na ginabayan ni Letran coach Caloy Garcia.
Nauna rito ay nagkampeon sina St. Benilde Blazers Fil-Am Travis Jonson at ang di pa naglalaro na si Arnaud Noah ng San Beda sa 3-point shoot out at slam dunk side events.
Tumapos si Travis bitbit ang 21 puntos laban sa 12 lamang ni JRU Heavy Bomber shooter Philip Paniamogan habang si Noah na nasa Team B ng Lions, ay may 51 puntos laban sa 46 ni CJ Perez ng San Sebastian Stags.
Si Jian Salazar ng Perpetual ang siyang kinilala bilang Ms. NCAA 2014.
Pumangalawa si Katrina Racelis ng Mapua at si Mharyel Tapia ng Lyceum ang pumangatlo.
EAST 104 -- A. Dela Cruz 12, Baloria 11, Pinto 10, Teodoro 9, Caperal 9, Thompson 8, Perez 8, Guinto 8, J. Dela Cruz 7, Arboleda 6, Paniamogan 6, Ciriacruz 4, Mabulac 4, Pascual 2.
WEST 97 -- Cantos 18, Tayongtong 14, Romero 12, Gabayni 10, Cruz 8, Saitanan 8, Arquero 7, Taha 7, Bartolo 6, Jamon 5, Zamora 2, Estrella 0, Nambatac 0, Racal 0.
Quarters: 22-22, 45-45, 76-71, 104-97.
- Latest