Pinoy chessers may tsansa pa sa Top 20
MANILA, Philippines - Dinurog ng Pilipinas ang Bolivia, 4-0, para magkaroon pa ng tsansa na pumasok sa Top 20 sa men’s division sa 41st Chess Olympiad sa Tromso, Norway.
Sina Grandmasters Julio Catalino Sadorra, John Paul Gomez at Jayson Gonzales at IM Paulo Bersamina ay nanalo kina GM Oswaldo Zambrana, IM Jose Daniel Gemy, Javier Monroy at IM Jonny Cueto para magkaroon ang Nationals ng 12 puntos at pumasok sa 38th hanggang 56th puwesto matapos ang 11th round.
Pahinga ang aksyon ngayon at tatapusin ng Pilipinas ang kampanya laban sa 37th seed Canada at mangangailangan ng kumbinsidong panalo para maisakatuparan ang target na top 20 pagtatapos.
Hindi naman pinalad ang women’s team na ginulpi ng 25th seed Latvia, 1-3.
Sina Janelle Mae Frayna at Jan Jodilyn Fronda ay nakahirit ng tabla kina WGMs Laura Rogule at Ilze Berzina sa Boards two at three pero natalo sina Chardine Cheradee Camacho at Catherine Perena kina WBA Dana Reizniece Ozola at WIM Katrina Skinke sa Boards 1 at 4.
May 11 puntos ang lady chess players para malagay sa 42nd hanggang 56th puwesto.
- Latest