Hosting ng NCAA South kasado na sa Perpetual
MANILA, Philippines - Handa ang University of Perpetual Help-Biñan Campus na ipagpatuloy ang paglago ng National College Athletic Association (NCAA) South sa kanilang pagtayo bilang punong-abala sa taong ito.
Sa pagdalo ng athletic director ng paaralan na siya ring Mancom chairman Rustico ‘Otie’ Camangian sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon, tinuran niya ang katotohanang malayo na ang narating ng liga mula nang ito ay binigyan ng buhay noong 1999.
“Mula sa apat na paaralan lamang, ngayon ang NCAA South ay may 12 member schools na at mas malaki na sa NCAA Manila,” pagmamalaki ni Camangian na sinamahan sa forum nina Lito Arim ng First Asia Institute of Technology and Humanities (FAITH) at Anthony Villadelgado ng Emilio Aguinaldo College-Cavite.
Ang San Beda-Alabang, Letran, PCU-Dasmariñas at Perpetual Help-Biñan ang mga founding members ng liga habang ang kukumpleto sa mga kasali ay ang De La Salle Lipa, Lyceum-Batangas, San Pablo Colleges, Don Bosco Technical College-Mandaluyong City, University of Batangas, St. Francis of Assisi College-Las Piñas.
Magbubukas ang ika-16th taon ng liga sa Biyernes sa Perpetual Help Sports Complex at ang artista/sportsman na si Richard Gomez at Biñan Mayor Marlyn Alonte-Naguiat ang mga guest speakers.
Ang volleyball, chess at taekwondo ang mga larong gagawin sa first semester habang ang football, badminton, table tennis, lawn tennis, swimming at beach volleyball ang mga sports sa second semester. (AT)
- Latest