Verano, Hernandez may tsansang masama sa Singapore SEA Games
MANILA, Philippines - Dalawang mananakbo ng Jose Rizal University ang maaaring makasama sa Pambansang koponan na ipanlalaban sa Singapore SEA Games sa 2015.
Ito ay matapos na mahigitan nila ang 3 minuto at 58 segundo qualifying time sa 1,500m event sa ginanap na PSC Weekly Relays sa Philsports Track Oval sa Pasig City.
Sina Roldan Verano at Rudyfer Hernandez ang tumapos sa una at ikalawang puwesto sa nasabing middle distance race at nagsumite ng tiyempong 3:55.3 at 3:57.7, ayon sa pagkakasunod.
Ang mga tiyempong ito ay mas mabilis sa gold medal performance ng 2013 Myanmar SEA Games na 3:58.02 na ginawa ni Mohd Jironi Riduan ng Malaysia.
Sina Verano at Hernandez ay hawak ni dating national coach Jojo Posadas at si Verano na record holder sa NCAA sa 5000m run ay kabilang sa apat na champion team ng Bombers habang kasama sa tatlong champion team si Hernandez.
Inorganisa ang tuwing linggo na kompetisyon ng Philippine Sports Commission (PSC) para mabigyan ng pagkakataon ang iba pang may talentong atleta na maipakita ang angking husay sa athletics.
May mga qualifying standards ang inilatag para sa 2015 SEA Games at ang mga makakaabot dito ay may posibilidad na masama sa bubuuing koponan para sa torneo na nakakalendaryo mula Hunyo 5 hanggang 16.
- Latest