Tampong pururot
Dahil lang sa playing time ay nag-quit ang dalawang miyembro ng Philippine Azkals.
Matagal na sigurong gusto mag-quit pero ngayon lang nakahanap ng dahilan.
Sinabi rin ni Stephan Schrock, tubong Germany na may dugong Pinoy, na hindi na siya maglalaro sa Azkals hanggang si Thomas Dooley ang coach.
Sumunod naman si Dennis Cagara na naka-base sa Denmark. Ganun din ang diga niya. Galit sa Amerikanong coach.
Pareho silang naglalaro sa Europa.
Parehong professional.
Pero sa akin, unprofessional ang ginawa nila.
Bagama’t nagpahiwatig na sila kay team manager Dan Palami ng kanilang tampo ay sa Facebook at Twitter nila isiniwalat ang kanilang himutok itong linggong ito.
Sa nakalipas na AFC Challenge Cup sa Maldives nagsimula ang drama. Pareho silang may iniindang injury noon kaya nabawasan ang playing time.
Ikinagalit nila ito.
Maraming followers ang mga players na ito sa social media kaya anuman ang sabihin nila ay madaling kumalat at pag-usapan.
Gawin kaya nila ito sa mga teams nila sa Europa kung hindi sila tuluyan mawalan ng trabaho.
Mukhang malinaw ang mensahe nila: Alisin niyo si Dooley at maglalaro kami ulit para sa Azkals.
Parang ginawang hostage ang Azkals.
Hindi natinag si Dooley at tinawag silang “selfish” o suwapang.
Mukhang galit din ang guwaping na goalie na si Neil Etheridge dahil tsugi siya sa lineup ni Dooley sa parating na Peace Cup sa Rizal Memorial Stadium.
Huwag naman sana mag-quit si Etheridge.
Pero dehins ako magugulat kung gagawin niya ito.
Magaling si Schrock. Magaling si Cagara. Magaling si Etheridge.
Malaki ang naitulong nila sa pag-usad ng Azkals sa world rankings.
Kaya lang, hindi naman puwedeng sila ang magdikta sa team.
Sanay naman tayo sa hirap. Sanay naman tayo sa wala.
Kung ayaw n’yo, huwag n’yo.
- Latest