Martinez lalaban sa ISU Grand Prix sa Oct.
MANILA, Philippines - Muling matutunghayan sa aksyon si Olympian Michael Martinez sa pagsabak nito sa International Skating Union (ISU) Grand Prix of Figure Skating sa Oktubre 24-26 sa Chicago, USA.
Ang Grand Prix ay isang serye ng mga senior figure skating competition kung saan mabibigyan ng pagkakataon ang top six sa men’s singles, ladies’ singles, pair skating, at ice dancing na lumaban sa Grand Prix Final sa Barcelona, Spain.
Si Martinez, ika-27 na pinakamahusay sa mundo, ang tanging Filipino at taga-Southeast Asia na napiling lumahok ng ISU.
Ilan sa mga makakatapat ni Martinez ay ang mga Olympic medallists na sina Tatsuki Machida ng Japan, Denis Ten ng Kazakhstan, Jeremy Abbott ng USA, at Artur Gachinski ng Russia.
Matatandaang lumahok at nakaabot sa ika-19 puwesto si Martinez sa Winter Olympics sa Sochi, Russia noong nakaraang Pebrero.
Nakapag-uwi na siya ng humigit-kumulang na 190 medalya at tropeo mula sa iba’t-ibang international competitions.
Si Martinez ay nagsimulang mag-figure skating sa edad na walo sa SM Skating Rink ng SM Southmall, na pag-aari ni SM Prime Holdings president Hans Sy, bago pa ito nagsanay sa USA noong 2010.
- Latest