CEU vs San Beda College sa opening ng WNCAA
MANILA, Philippines - Bubuksan ng Centro Escolar University ang kampanya para sa ikaapat na sunod na titulo sa seniors division sa Sabado sa pagsisimula ng 45th Women’s National Collegiate Athletic Association (WNCAA) sa Rizal Memorial Coliseum.
Kalaban ng Lady Scorpions ang San Beda College- Alabang sa ganap na alas-3 ng hapon.
Magbubukas ng aksyon sa taon ay ang labanan ng three-time defending champion sa midgets na La Salle Zobel at Poveda sa ganap na alas-12 ng tanghali bago sundan ng tagisan sa hanay ng host school La Salle College Antipolo at St. Paul College Pasig sa juniors division.
Ang opening ceremony ay gagawin sa ganap na alas-11 ng tanghali sa Ninoy Aquino Stadium at si La Salle volleyball player Mika Reyes ang siyang panauhing pandangal.
Sa St. Scholastica’s College nagtapos ng high school si Reyes.
Sa pulong pambalitaan kahapon sa Aristocrat sa Roxas Boulevard, sinabi ni LSCA executive vice chancellor Jimelo Tipay na tamang-tama ang hosting ng paaralan sa liga para sa kababaihan dahil ito ang kanilang ika-10 taon bilang kasapi.
May 16 paaralan ang kasali sa taong ito at bukod sa basketball, pinaglalabanan din sa liga ang swimming, badminton, taekwondo, lawn tennis, table tennis, softball, volleyball, futsal, cheerleading at cheerdance.
Sa Linggo bubuksan ang aksyon sa volleyball sa St. Scholastica’s gym habang ang futsal ay magsisimula sa Agosto 17 sa University of Asia & the Pacific gym sa Pasig City. (ATan)
- Latest