Ateneo binuhay ang pag-asa
MANILA, Philippines - Napaganda ang dalawang sunod na five-set games para sa Ateneo De Manila University dahil mas nakondisyon sila sa quarterfinals at dinagit ang PLDT Home Telpad, 25-18, 25-21, 28-26, sa quarterfinal round ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 24 kills at dalawang blocks patungo sa 26 puntos si Alyssa Valdez, habang naghatid din ng magandang mga numero sina Amy Ahomiro at Michelle Morente para manatiling buhay ang tsansa ng Lady Eagles na umabante sa ikatlong panalo matapos ang walong laro.
Tinapos ng Ateneo ang elimination round bitbit ang dalawang sunod na talo sa Philippine Army at Cagayan Valley pero ang karanasang nakuha sa mahigpitang laro ay nagamit sa labang ito.
May 10 puntos si Ahomiro, kasama ang walong attack points, habang si Morente ay may dalawang blocks bukod sa siyam na digs para pangunahan ang matibay na depensa ng Lady Eagles.
Malaking tulong din sa panalo ang pagkakaroon lamang ng 19 errors para magkaroon ng magandang panimula sa quarterfinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa suporta ng Accel at Mikasa.
Ininda naman ng Turbo Boosters ang siyam na araw na pahinga dahil nawala sa kondisyon ang mga kamador nito.
May 13 puntos, kasama ang 11 kills, si Sue Roces pero ang ibang inasahan na sina Laurence Ann Latigay, Gretchel Soltones at Ryzabelle Devanadera ay nagsanib lamang sa 20 puntos.
Ang pagkatalo ng PLDT ay ikalawa matapos ang walong laro.
Pinagtibay naman ng Air Force Air Spikers ang kapit sa mahalagang pang-apat na puwesto sa liga sa 14-25, 25-14, 25-12, 25-14 tagumpay sa National University Lady Bulldogs.
May limang blocks si Liza De Ramos para pangunahan ang 12-5 bentahe sa departamento upang mapigil ang opensa ng Lady Bulldogs para iangat ang baraha sa 5-3 karta.
May 8 puntos si De Ramos at sina Judy Caballejo at Joy Cases ay may 16 at 13 puntos.
- Latest