Saludar out sa Asiad
MANILA, Philippines - Hindi na makakasama si 2010 Guangzhou Asian Games gold medalist Rey Saludar sa delegasyong ipadadala ng bansa sa Incheon Asian Games.
Sa panayam kahapon kay ABAP executive director Ed Picson, kanyang inihayag na may iniindang rotator cuff injury ang flyweight na si Saludar at nang ipinasuri ay sinabihan na dapat ipahinga ito sa loob ng dalawang linggo.
“Matapos niyang maglaro sa President’s Cup sa Kazakhstan ay sumakit na ang balikat niya. Ipinatingin namin ito at sinabi na complete rest for two weeks ang dapat niyang gawin. So paano pa siya makakalaban kaya wala na siya sa Incheon,” wika ni Picson.
Hindi naman nakikita ng ABAP officials na makakaapekto ito sa gagawing kampanya ng Pambansang boxers dahil papalit sa kanyang puwesto alinman kina Ian Clark Bautista o Roldan Boncales.
Sa dalawang ito, mas namumuro si Bautista na ilaban sa Korea dahil isa siyang gold medal winner sa China Open.
“Tinalo na rin niya si Saludar sa Digos at gold medalist siya sa China Open samantalang si Rey ay nag-silver lang sa Kazakhstan. Kaya hindi pipitsugin si Ian,” dagdag ni Picson.
Nagsagawa kahapon ng box-off ang ABAP sa ilang boksingero para madetermina kung sino ang ipadadala sa kompetisyon na gagawin mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Ang mga nagtapat ay sina Olympian Mark Anthony Barriga at Joegin Ladon sa light flyweight, Charly Suarez at Junel Cantancio sa lightweight at Dennis Galvan at Joel Bacho sa light welterweight.
Ang World champion na si Josie Gabuco at Nesthy Petecio ang mga ipadadala sa kababaihan.
Kapag buo na ang Pambansang koponan, balak ng ABAP na ipadala sila sa Australia at Germany para sa training camp.
Ang boxing ang isa sa inaasahan para makahakot uli ang bansa ng ginto sa Asiad. (ATan)
- Latest