Pacquiao angat sa karanasan kayang talunin si Algieri - Roach
MANILA, Philippines - Mahalaga ang karanasan ni Manny Pacquiao para maigupo ang determinadong karibal na si Chris Algieri.
Kinilala ng trainer ni Pacquiao na si Freddie Roach na ibang hamon ang hatid ni Algieri matapos personal na nakita ang husay nito nang natalo ang alagang si Ruslan Provodnikov noong Hunyo.
“He fought Ruslan and won the title. He’s got a good record and he’s a little bit of a mystery. It’s not going to be an easy fight,” pahayag ni Roach sa panayam ng South China Morning Post.
Isa sa hahanapan ng solusyon si Roach ay ang angking height advantage ni Algieri kay Pacquiao bukod sa pagsira sa kumpiyansa nito.
May taas na 5’10” ang WBO light weight champion na si Algieri at halos tatlo’t-kalahating pulgada ang taas niya kumpara kay Pacquiao na idedepensa sa laban ang WBO welterweight belt.
“We have to come a lot closer,” wika pa ni Roach.
Bumangon si Algieri mula sa dalawang knockdown sa unang round at lumaban taglay lamang ang isang mata para talunin si Provodnikov sa pamamagitan ng decision.
Ang laban ay gagawin sa Nobyembre 22 sa Macau at dahil maliit si Algieri kay Pacquiao sa timbang kaya’t inilagay ang title fight sa catch weight na 144 pounds.
Si Roach ay nasa China para gabayan ang laban ni Chinese Olympian Zou Shiming ngayon.
- Latest