Umangat ang Army spikers
MANILA, Philippines - Nauwi sa dominanteng 25-18, 25-16, 25-15, panalo para sa Army Lady Troopers ang inakalang mahigpitang labanan kontra sa PLDT Home Telpad Turbo Boosters para maging ikalawang koponan na umabante sa susunod na round sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Inagaw din ng Army ang liderato na dating tangan ng PLDT matapos itulak ang winning streak sa apat sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may suporta pa ng Accel at Mikasa.
“Alam namin kung gaano sila kalakas kaya ipinaalala ko lang sa mga players na huwag mag-relax sa laban,” wika ni Army coach Rico de Guzman.
Nanumbalik agad ang galing ng nagdedepensang kampeon Cagayan Valley Lady Rising Suns nang padapain ang Air Force Air Women sa straight sets, 25-13, 25-22, 25-20, sa ikalawang laro.
Mabilis nanakabangon ang Lady Rising Suns mula sa paglasap ng unang pagkatalo matapos ang 17-game winning streak para okupahan ang ikatlong puwesto sa 3-1 karta.
Kontrolado ng Lady Troopers ang kabuuan ng laro at nagkaroon sila ng 43-24 bentahe sa attacks, may 7-2 agwat sa blocks at 8-5 lamang sa service ace para tumagal lamang ang laro sa loob ng 64 minuto.
Sina Jovelyn Gonzaga, Nerissa Bautista at Mary Jane Balse ay mayroong tig-12 puntos habang 11 ang ibinigay ni Rachel Ann Daquis.
Naglaho ang naunang kinang ng PLDT na pasok na rin sa quarterfinals kahit may 4-1 karta ngayon.
Walang manlalaro sa kampo ni coach Roger Gorayeb ang nasa double-digits at si Gretchel Soltones ang namuno sa koponan sa pitong puntos lang.
- Latest