Pedrosa, Concepcion papalo sa finals
MANILA, Philippines - Nagtala sina Ross Leenard Pedrosa at Aldreen Rae Concepcion ng magkaibang semifinal win para umabante sa finals ng 1st Sun Cellular-Ming Ramos National Juniors Badminton Tournament Luzon Leg sa Powersmash Badminton Center sa Makati City.
Tinalo ni Pedrosa, miyembro ng PBA-Smash Pilipinas junior team, ang kapwa national player na si Alexis Geverjuan, 21-16, 21-14, para itakda ang kanilang title showdown ni Frell Keeyan Gabuelo sa boys’ 19-under singles side.
Nalampasan ni Gabuelo si Emilio Mangubat Jr. ng Whackers, 22-20, 20-22, 21-11, patungo sa finals ng junior competition na may basbas ng Philippine Badminton Association (PBA) at ng Philippine National Ranking System (PNRS).
Nangibabaw naman si Concepcion kay Alyssa Geverjuan sa semifinals ng girls’ 19-under singles, 14-21, 22-20, 21-19, para makatapat sa finals si national team player Sarah Joy Barredo.
Tinalo ni Barredo si national junior player Charmane Shane Salvador sa semifinals, 21-10, 21-16.
Ang torneo ay suportado ng Sun Cellular, SMART Communications, Manny V. Pangilinan (MVP) Sports Foundation, Philippine Badminton Association, Smash Pilipinas at Babolat.
- Latest