Germany hari ng 2014 FIFA World Cup
RIO DE JANEIRO--Sinandalan ng Germany ang pamalit na si Mario Gotze para kunin ang 1-0 panalo sa Argentina at bitbitin pauwi ng kanilang bansa ang 2014 FIFA World Cup title na pinaglabanan kahapon sa nag-uumapaw na Macarana Stadium sa Brazil.
Mahusay ang pagkakagamit ni Gotze ng kanyang katawan para makuha ang cross pass galing kay Andre Schurrle bago nalusutan si Argentina goalkeeper Sergio Romero para sa natatanging goal sa laro na nangyari sa 113th minute.
Ito na ang ikaapat na World Cup title ng Germany at kapos na lamang sila ng isa para mapantayan ang nangungunang Brazil na may limang titulo.
Ang host ay hindi nakapasok sa championship round matapos durugin ng Germans, 7-1, sa semis.
Paborito ang Germany matapos ang ginawa sa Brazil at itinuring nga sila bilang pinakamahusay na koponan papasok sa huling laro ng torneo.
Ang best player ng torneo ay napunta kay Lionel Messi ng Argentina. Pero hindi niya napangatawanan ito nang sinayang ang pagkakataon na maitabla ang laro sa pamamagigtan ng free kick.
Binangga si Messi ni Bastian Schweinsteiger sa loob ng 10 yards para sa free kick na kung saan kilalang mahusay ang itinutu-ring bilang pinakamahusay na football player ng mundo sa panahong ito.
Pero ang lahat ng paghanga ay naglaho nang lampas sa goal ang kanyang pinakawalang attempt.
Ang World Cup title na lamang ang kulang sa mga koleksyon ng 27-anyos na striker.
Ang kabiguang ipasok ang free kick ang tumapos din sa hindi magandang ipinakita ni Messi nang pumasok ang kompetisyon sa knockout round.
- Latest