LeBron pumirma na sa Cavs; Melo ‘di iiwan ang Knicks
MANILA, Philippines - Isang araw matapos ihayag ni LeBron James na magbabalik siya sa Cleveland ay pormal na siyang pumirma ng kontrata sa Cavaliers, ayon sa ESPN.
Ang nilagdaan ni James sa Cavs ay isang two-year, $42.1 million deal.
Dalawang taon lamang ang pinirmahan ni James dahil umaasa siyang mapapataas pa niya ang kanyang halaga sa 2016-17 season kung saan ang bagong television contract ay inaasahang magpapalaki sa maximum salary.
Sa ilalim ng kontrata ay may opsyon si James na maging isang free agent matapos ang 2014-15 season.
Nakuha naman ng Cavaliers si center Brendan Haywood at ang draft rights kay forward Dwight Powell mula sa Charlotte Hornets kapalit ni guard Scotty Hopson at cash considerations.
Sa New York, pumayag na si forward Carmelo Anthony na muling maglaro para sa Knicks.
Nauna nang niligawan si Anthony ng Chicago Bulls at Houston Rockets.
Inalok ng Knicks si Anthony ng $129 milyon para sa limang taon.
Ang maximum deal ang magbibigay kay Anthony ng $22.5 milyon sa unang taon ng kanyang kontrata.
Sa Chicago, kinumpirma ni free agent power forward Pau Gasol sa Twitter na maglalaro siya sa Chicago Bulls.
Naglaro si Gasol ng anim na seasons sa Lakers, ngunit tinanggihan ang dalawang contract offers na nagkakahalaga ng $23 at $29 milyon.
Sa Memphis, lumagda si free agent shooting guard Vince Carter sa Grizzlies matapos pakawalan ng koponan si Mike Miller.
Isang three-year, $12 million deal ang nilagdaan ni Carter.
Sa Utah, pinanatili ng Jazz si restricted free agent guard Gordon Hayward.
Tinapatan ng Jazz ang four-year, $63 million offer sheet ng Charlotte Bobcats para kay Hayward.
- Latest