Maaksyon ang sagupaan ng Argentina, Germany sa Finals
BRAZIL--Ang magkaibang istilo ng paglalaro ng Argentina at Germany ang nagtitiyak na magiging klasiko ang kanilang pagtutuos para sa FIFA World Cup title.
Sumabak agad sa pagsasanay noong Huwebes ang dalawang bansa para mapatatag ang hangaring pagbulsa ng kampeonato sa pinakaprestihiyosong kompetisyon sa football.
Galing sa 4-2 penalty shootout panalo ang Argentina laban sa Netherlands sa semifinals at maaaring madagdagan ng isang manlalaro ang koponang pinangungunahan ni Lionel Messi sa katauhan ni Angel Di Maria.
Si Di Maria ay nakasama sa training ng koponan na senyales na maayos na ang kanyang thigh injury.
“We have to win and it doesn’t matter if we play well or not,” pahayag ng Argentinan striker na si Sergio Aguero na kagagaling din sa muscle strain injury.
“This is the game we have all wanted to play since we left Buenos Aires, and against an aggressive and tough opponent,” dagdag nito.
Tunay na matibay na kalaban ang Germany matapos ang 7-1 pagdurog sa host Brazil sa kanilang semis match.
Makakasama rin ng Germans ang defender na si Mats Hummels matapos sumailalim sa pagsusuri sa kanyang tuhod na nasaktan dahilan para lisanin niya ang laro sa Brazil sa second half.
Pangunahing pagtutuunan ng Germany ay ang pagdepensa kay Messi para makuha ang ikaapat na World Cup title.
“We’ve also got a plan. But we’re not going to reveal that here to you,” pahayag ng assistant coach ng Germany na si Hansi Flick sa mga mamamahayag.
- Latest