Gilas reresbak sa Chinese Taipei
MANILA, Philippines - Magkakaroon ng pagkakataon ang Gilas national team na maipaghiganti ang pagkatalong ipinalasap ng Chinese Taipei noong nakaraang taon sa pagbubukas ng kampanya sa 5th FIBA Asia Cup ngayon sa Wuhan, China.
Ito ang unang laro ng koponang hawak ni coach Chot Reyes sa Group B at nais niyang maipaghiganti ang 79-84 pagkatalo sa Taiwanese team noong naglaban sa group stages sa 2013 FIBA Asia Men’s Championship sa Pilipinas.
Hindi naman ito magiging madali matapos magpasiklab ang Chinese Taipei nang durugin ang Jordan, 85-63, sa pagsisimula ng kompetisyon kahapon.
Ang Jordan ay hawak ni dating Gilas coach Rajko Toroman pero hindi niya nagawan ng paraan na pigilan ang naturalized player ng Taipei na si Quincy Spencer na may 21 puntos at 17 rebounds.
Si Marcus Douthit ang mamumuno sa Pilipinas at makakasama niya sina Ranidel de Ocampo, LA Tenorio, Japeth Aguilar, June Mar Fajardo, Gary David, Beau Belga, Paul Lee, Jared Dilinger, Jay Washington, Garvo Lanete at Kevin Alas.
Maliban kina Lanete at Alas, na kasapi ng Cadets, at Washington, ang ibang manlalaro ay ginagamit ang kompetisyon bilang bahagi ng paghahanda para sa pagsali sa FIBA World Cup sa Spain sa Agosto.
Ang mata ay nakatuon din kay Douthit na noong 2011 ay nasa Wuhan at tinulungan ang Pilipinas na makarating sa semifinals sa FIBA Asia Men’s Championship.
Ito ang unang kompetisyon ni Douthit matapos ang FIBA Asia Men’s Championship na kung saan tinamaan siya ng calf injury.
“My body feels great. A little sluggish from not playing, but I’m sure it will take no time for me to get back where my teams needs me to be,” wika ni Douthit sa panayam ng fibaasia.net.
Ang Jordan at Singapore ang kukumpleto sa grupo at classification lamang ang mangyayari sa apat na koponang magkakasama dahil nakatiyak na ang mga ito ng puwesto sa knockout quarterfinals. (AT)
- Latest