NLEX magiging palaban sa PBA - Gregorio
MANILA, Philippines - Sa loob ng anim na komperensya o dalawang taon ay dapat maging palaban na para sa kampeonato ang NLEX Road Warriors sa Philippine Basketball Association.
Ito ang pahayag kahapon ni NLEX team representative Allan Gregorio sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey's Malate.
“Two years is short because other new teams think of three to four years para malaman ang lakas ng koponan nila,” wika ni Gregorio sa NLEX na bumili sa prangkisa ng Air21 Express sa halagang halos P100 milyon.
Ang NLEX ang pangatlong koponan ng grupo ni Manny V. Pangilinan sa PBA maliban sa Talk 'N Text at Meralco.
Ang Road Warriors ay kabibilangan ng ilang players ng Air21 at NLEX sa PBA D-League.
Inaasahang babanderahan nina 6-foot-10 Fil-Tongan Asi Taulava, Mark Cardona at Aldrech Ramos ang kampanya ng NLEX sa darating na 40th season ng PBA sa Oktubre.
May kontrata pa si head coach Franz Pumaren hanggang Agosto 31 ngunit wala pang katiyakan kung magiging bahagi ang dating La Salle Green Archers' mentor sa NLEX team.
Si Boyet Fernandez, iginiya ang Road Warriors sa anim na korona sa nakaraang pitong conferences ng PBA D-League, ay una sa listahan ng mga kandidato para maging coach ng NLEX.
Maliban sa NLEX, paparada rin para sa 40th season ng PBA ang Kia Motors, gagabayan ni Filipino world boxing champion Manny Pacquiao bilang head coach, at ang Blackwater.
Posible namang ipalit ng MVP Group sa NLEX sa PBA D-League ang alinman sa Indomie Instant Noodles o Philex Mining.
- Latest