Kapalaran ng HD Spikers nakasalalay sa Lady Blaze
MANILA, Philippines - Malalaman ngayon kung magpapatuloy pa ba o hindi ang kampanya ng Cignal HD Lady Spikers sa pagtatapos ng elimation round sa women’s division ng 2014 PLDT Home-Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sa ganap na alas-2 ng hapon matutunghayan ang bakbakan sa hanay ng Cignal at Petron Lady Blaze Spikers at kailangang manalo ang HD Spikers sa loob ng tatlo o apat na sets para umabante sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL bukod sa suporta ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
May isang panalo matapos ang limang laro lamang ang Cignal para malagay sa huling puwesto sa pitong koponang liga.
Ang PLDT Home TVolution Power Attackers ang nasa mahalagang ikaanim na puwesto sa 2-4 baraha at sila ang aabante sa quarterfinals kung hindi manalo ang Cignal sa loob ng tatlo o apat na sets dahil sa mas magandang quotient.
Kung umabot sa five sets ang bakbakan ay aabante pa rin ang PLDT.
Hindi magiging madali ang misyon na ito ng HD Lady Spikers na pumangalawa sa naunang dalawang PSL conferences.
Ito ay dahil palaban ang Lady Blaze Spikers para pigilan ang dalawang sunod na pagkatalo matapos buksan ang kampanya sa tatlong dikit na panalo.
Pasok na ang Petron sa quarterfinals tulad ng AirAsia Flying Spikers at Cagayan Valley Lady Rising Suns pero mahalaga ang magkaroon ng winning momentum lalo pa’t knockout format ang gagamitin mula sa yugtong ito.
Ang Generika-Army Lady Troopers at RC Cola-Air Force Raiders ang umokupa sa unang dalawang puwesto at dumiretso na sa semifinals.
Magsisimula rin ngayon ang second round sa men’s division at magkukrus ang landas ng Systema at IEM sa alas-4 ng hapon bago sundan ng Cignal at Via Mare dakong alas-6 ng gabi. (ATan)
- Latest