Team Pacman overall champion sa PLDT-ABAP boxingfest
DIGOS City , Philippines – Inangkin ng home team na Pacman-Digos City ang overall championship sa pagtatapos ng PLDT-ABAP National Amateur Boxing Championships.
Sa kabuuang 17 fighters na isinali ng dalawang home squads na suportado ni boxing superstar Manny Pacquiao, anim dito ay nanalo ng gold medal, tatlo ang kumuha ng silver at walo ang nagbulsa ng bronze.
Tumapos naman sa ikalawang puwesto ang Cagayan de Oro fighters sa nakamit na 4 gold, 1 silver at 4 bronzes kasunod ang Cebu City na may 3 gold at 2 bronzes,
Ang Bago City ay may 2 gold, 1 silver at 1 bronze, habang nagtala ang General Santos City ng 2 gold at 2 bronze medals.
Ang mga Team Pacman gold medalists ay sina Gaidyl Reducto (School Girls paperweight/44kgs; Jericho Sahohito (Jr. Boys light flyweight/46kgs; Ranjo Gil Napoles (Jr.Boys lightweight/60kgs); Jean Minguillan (Jr. Girls pinweight/46kgs); Ryan Moreno (Youth Boys pinweight/46kgs); at John Paul Bentoso (Youth Boys light flyweight/49kgs).
Tinalo ni Reducto si Jolina Lamberte ng Lutayan, Sultan Kudarat; giniba ni Sahohito si John Paul Ramos ng Tayabas City, Quezon; pinayukod ni Napoles ang anak ni national coach Ronald Chavez Jr. ng Makati City; dinomina ni Minguillan si Elaide Pamisa ng Cagayan de Oro City; pinahiya ni Moreno si Jaybee Canedo ng Camiguin; at iginupo ni Bentoso si Robert Paradeo ng Aglayan, Malaybalay, Bukidnon.
Sa 18 gold medal winners, si Junrel Jimenez ng Cebu City ang tanging naka-iskor ng TKO win sa finals matapos patumbahin si Ryan Torres ng San Fernando City, La Union sa Youth Boys flyweight division (52kgs).
- Latest