Mixers, Painters itotodo na ang lakas unahang lumapit sa kampeonato
Laro Ngayon
(Smart Araneta
Coliseum)
5 p.m. San Mig Coffee vs Rain or Shine
(Game 3)
MANILA, Philippines - Matapos paghatian ang dalawang unang laro, pag-aagawan ng nagdedepensang San Mig Coffee at ng Rain or Shine ang mahalagang 2-1 bentahe sa kanilang best-of-five championship series para sa 2014 PBA Governors’ Cup.
Maghaharap ang Mixers at ang Elasto Painters sa Game Three ngayong alas-5 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ang mananalo ang makakalapit sa pagkopo sa kampeonato ng season-ending conference.
Inangkin ng San Mig Coffee ni coach Tim Cone ang Game One via 104-101 victory noong Martes bago nakatabla ang Rain or Shine ni mentor Yeng Guiao sa Game Two sa paglusot sa 89-87 overtime win noong Huwebes.
“We just grinded it out, stayed there, didn’t give up and toughed it out to the end,” sabi ni Guiao sa naturang panalo na tinampukan ng three-point shot ni Best Import Arizona Reid sa natitirang 6.7 segundo.
Inaasahan ni Guiao na mas magiging maigting pa ang aksyon sa Game Three dahil na rin sa pagnanais ng Mixers na makalapit sa inaasam nilang PBA Grand Slam.
Nauna nang pinagharian ng San Mig Coffee ang 2014 PBA Philippine Cup at ang Commissioner’s Cup.
Maliban kay Reid, muling sasandigan ng Rain or Shine sina Jeff Chan, Paul Lee, Gabe Norwood, Ryan Araña at Beau Belga katapat sina import Marqus Blakely, James Yap, PJ Simon, Marc Pingris, Mark Barroca at rookie Ian Sangalang.
Samantala, hihirangin naman ngayon ang Most Valuable Player at ang Rookie of the Year bago simulan ang Game Three.
Nangunguna sa karera para sa 2014 PBA MVP si 6’10 sophomore center June Mar Fajardo, samantalang si seven-foot slotman Greg Slaughter ang bumabandera sa ROY.
- Latest