Farenas na-TKO si Davis sa 8th round
MANILA, Philippines - Inilagay ng 30-anyos boxer na si Michael Farenas ang sarili bilang mandatory challenger sa IBF super featherweight division ng kanyang hiritan ng eight round technical knockout panalo ang dating walang talong si Mark Davis kahapon sa Foxwoods Resort, Mashantucket, Connecticut, USA.
Ginawang asintahan ni Farenas si Davis at niyanig niya ito gamit ang matitinding kumbinasyon bukod sa mga hooks at uppercuts.
Sa ikaanim na round ay muntik ng bumuwal si Davis pero sa sumunod na round ay nakitaan ng pagiging agresibo para paniwalaan na kaya pa niyang lumaban.
Ngunit sa sumunod na round ay ipinatikim uli ni Farenas ang mga matitinding suntok at ang magkasunod na kumbinasyon na hindi natugunan ng 27-anyos US boxer ang nagtulak kay referee Steve Smoger na itigil ang one-sided fight may 59 segundo sa orasan.
“Pinagsikapan ko talaga. First round pa lang pinasok ko na. Gusto kong manalo at gusto kong makalaban ng world championship uli,” ani Farenas sa panayam ng Philboxing.
Ito ang ika-39 panalo sa 48 laban ni Farenas at si Davis ang ika-31st boxer na hindi nakatapos sa kamao ng tubong Gubat, Sorsogon fighter.
Ito rin ang ikalimang sunod na panalo ni Farenas matapos matalo sa pamamagitan ng unanimous decision kay Yuriorkis Gamboa para sa interim WBA World super featherweight title.
- Latest