Haya kinapos sa semis ng World 9-Ball
MANILA, Philippines - Kumulapso ang laro ni Filipino cue artist Elmer Haya kontra kay Niels Feijen ng Netherlands para isuko ang 7-11 pagkatalo sa semifinals ng World 9-Ball Championship noong Biyernes sa Al Saad Sports Club sa Doha, Qatar.
Nawalan ng saysay ang pagbangon ng 37-anyos mula sa 1-3 iskor at nahawakan pa ang 4-3 kalamangan nang bumigay ang kanyang tumbok para makontento sa pagtapak na lamang hanggang semifinals.
Nagmintis si Haya sa 4-ball sa ninth rack para tuluyang ibigay ang kalamangan kay Feijen, 4-5.
Nasundan pa ito ng scratch matapos mahulog ang 8-ball sa sumunod na rack para lumawig sa dalawa ang kalamangan ng Dutch pool player.
Nagkaroon pa naman ng pagkakataon ang pool teacher sa Abu Dhabi na makabalik at namumuro na siyang itabla ang laban sa 14th rack.
Pero sadyang wala sa kanya ang suwerte dahil dalawang beses niyang naisablay ang 9-ball at manatili ang momentum kay Feijen.
Gumawa ng kasaysayan si Feijen dahil nakuha niya ang kauna-unahan niyang World 9-Ball title nang padapain si Albin Ouschan ng Austria, 13-10, sa race-to-13 finals.
Si Ouschan ay umabante nang kalusin si Chang Yu Lung ng Chinese Taipei, 11-7, sa isang semifinals match.
Naging konsuwelo ni Haya ay ang pag-abante sa unang pagkakataon sa knockout stage at ang $7,500.00 gantimpala.
- Latest