Torres puntirya ang puwesto sa Asian Games sa Hong Kong
MANILA, Philippines - Magtatangka si SEA Games long jump record holder Marestella Torres na makakuha ng puwesto para sa Asian Games sa Incheon, Korea sa pagsali niya sa Hong Kong Inter-City Athletics Championships na itinakda mula Hunyo 28 at 29 sa Tseung Kwan O Sports Ground.
Ito ang unang kompetisyon ni Torres matapos mamaalam sa national team noong nakaraang taon upang isilang ang kanilang unang anak ni national shot put athlete Eleazer Sumang.
Kahapon umalis ang delegasyon na isinali ng PATAFA at kasama ni Torres ang kanyang coach na si Jim Lafferty na siyang gumagastos at nagsasanay sa 33-anyos atleta para maibalik o mahigitan ang dating magandang kondisyon.
Ang Hong Kong meet ay isang qualifying event para kay Torres sa Asian Games at target niya na makalundag ng hindi bababa sa 6.40-metro para pumasok sa unang limang puwesto sa hanay ng mga female Asian jumpers.
Huling malaking kompetisyon na sinalihan ni Torres ay ang London Olympics at siya ay tumapos sa 22nd place sa 32 na sumali sa 6.22-metro lundag.
Beterana rin ng 2008 Beijing Olympics, kumampanya rin si Torres sa 2010 Asian Games sa Guangzhou China at tumapos siya sa ikaapat na puwesto sa 6.49-meters.
Ang SEA Games record ni Torres ay nasa 6.71-metro na nangyari noong 2011 SEA Games sa Palembang, Indonesia.
Sakaling hindi maabot ni Torres ang target, puwede pa rin siyang sumuÂbok sa Vietnam Open sa Hulyo dahil ang pinal na pagpapatala ng pangalan para masama sa Incheon Games ay sa Agosto 15 ikinasa.
Si national pool member Julian Fuentes ay kasama ni Torres na maglalaro sa Hong Kong at papatnubayan siya ni national coach Joseph Sy.
Samantala, tumulak ang 2013 SEA Games gold medalist sa decathlon na si Ramil Cid patungong Malaysia para sumali sa dalawang araw na kompetisyon na nagsimula kaÂhapon.
Kasama na si Cid sa Asian Games delegation pero nais niyang higitan ang naitalang 7038 sa Myanmar para mapaganda ang paghahangad sa disenteng pagtatapos sa Incheon.
- Latest