Messi isinalba ang Argentina vs Iran
BELO HORIZONTE, Brazil --Nahanapan ni Lionel Messi ng butas ang depensa ng Iran sa injury time para itulak ang Argentina sa 1-0 panalo sa World Cup noong Sabado sa Brazil.
Ang goal ni Messi ay nangyari isang minuto sa injury time at nagawa niya ito kahit marami siyang sinayang na attempts sa unang tagpo ng laro.
May isang defender pa sa harap ng team captain nang makita ang kaunting siwang at gamit ang kaliwang paa ay palobong naitawid ni Messi ang bola sa nagbabantay at sa Iranian goalie na si Alireza Haghighi.
Bago ito ay nabigyan ang tinitingala sa mundo sa larangan ng football ng tsansang basagin ang kawalan ng iskor sa laro sa 72nd minute sa isang free kick. Ngunit alerto si Haghighi para biguin ito.
Ito ang ikalawang goal ni Messi sa torneo matapos makaisa sa 2-1 panalo sa Bosnia-Herzegovina para bigyan ng 2-0 karta at anim na puntos ang koponan at umabante na sa knockout round sa Group F.
Palaban ang Nigeria sa ikalawa at huling puwesto na aabante sa Group F matapos ang 1-0 tagumpay sa Bosnia-Herzegovina.
Si Peter Odemwingie ang naka-iskor para sa Nigeria sa 29th minute at pinalad pa sila nang hindi ibilang ang dapat ay goal ni Edin Dzeko matapos tawagan ng offside.
May isang panalo at isang tabla ang Nigeria na kailaÂngang makatabla ang Argentina sa huling laro para matiyak ang pag-abante.
Nauwi sa 2-2 tabla ang laro ng Germany at Ghana sa Group G sa isa pang laro.
- Latest