Barredo, Tan asam ang semis sa FDG Cup
MANILA, Philippines - Lalabanan ngayon nina local bets Sarah Joy Barredo at Poi Tan sina top seed Chiang Pei Hsin ng Taiwan at No. 2 Asifa Nur Farisma ng Indonesia, ayon sa pagkakasunod, sa quarterfinal round ng Open women’s singles ng FDG Cup Open and Invitational badminton tournament sa Powersmash Badminton Center sa Makati.
Tinalo ng seventh-ranked na si Barredo ng PBA Smash Pilipinas si Dia Magno kasunod ang pagsibak kay Camille Gotohio para harapin si Chiang sa quarters.
Nauna nang pinatalsik ni Chiang sina Danica Peligrino at Angela Sevilla sa two-weekend ranking tournament na may basbas ng Philippine Badminton Association at inihahandog kay Robinsons Land Corp. president Frederick D. Go.
Magsisimula ang mga laro sa ganap na alas-9 ng umaga.
Binigo ng fifth-ranked na si Tan ng Team Allied si Shane Salvador para makaharap si Farisma, pinayukod sina Kim Jarabelo at Descka Calimlim sa lower half ng draw, habang makakasukatan ni PBA Smash Pilipinas mainstay Alyssa Geverjuan si Chinese Lili Wang.
Pag-aagawan naman nina National teammates Aldreen Concepcion at Nicole Albo ang iba pang semis slot kung saan ang mananalo ang lalaban sa mananaig sa pagitan nina Farisma at Tan sa event na suportado ng Smart Live More, Smash Pilipinas, PNRS at Partners Cup kasama si Li-ning bilang official shuttlecock.
- Latest