AFP, MMDA umeskapo ng panalo sa UNTV Cup
MANILA, Philippines - Binigyan ni Roger Araneta ang AFP Cavaliers ng magandang pagtatapos ang kampanya sa second round ng UNTV Cup Season 2 sa pamamagitan ng 92-88 panalo sa House of Representatives (HOR) Solons noong Linggo sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Si Araneta ay mayroong 20 puntos bukod sa limang steals para sa Cavaliers na tinapos ang dalawang dikit na kabiguan para magtala ng 5-3 karta.
Ang pagkatalo ng Solons ay kanilang ikaanim laban sa isang panalo.
Nakitaan uli ng all-around game si Jeff SanÂders para bitbitin ang MMDA Black Wolves sa 89-85 tagumpay sa Malacañang Patriots sa ikalawang laro.
Ang dating PBA player na si Sanders ay mayroong 28 puntos bukod sa 8 rebounds, 6 assists at 4 steals upang iangat ang MMDA sa 4-3 baraha.
Hindi nagpahuli ang dating PBA MVP Kenneth Duremdes na naghatid ng 37 puntos bukod sa paghablot ng 22 rebounds sa 87-78 tagumpay ng Senate Defenders sa LGU Vanguards sa huling laro.
Maagang nag-init si Duremdes para bigyan ang Senate ng 46-26 kalamangan sa halftime.
Hindi na kinaya pa ng Vanguards na makabawi pa sa pagkakalubog para magsalo ang dalawang koponan sa 3-5 baraha.
- Latest